MANILA, Philippines — Mahigit 19,000 katao ang inilikas mula sa iba’t-ibang lalawigan sa Bicol, Visayas at Mindanao dahil sa bagyong Amang.
Ipinahayag kahapon ng National Disaster Risk Reduction Management Council na ipinapatupad ang pre-emptive evacuation para matiyak ang kaligtasan ng apektadong mga pamilya.
Kabilang sa mga residenteng inililikas habang isinusulat ito ang mga nasa lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Masbate, Eastern Samar, Agusan del Norte, Dinagat Islands, Suriogao de Norte, at Surigao del Sur.
Ayon sa NDRMMC, pumasok na sa Philippine area of responsibility noon pang Sabado ang bagyong Amang. Kasalukuyang nagbubuhos ito ng mga ulan sa Visayas at Mindanao at itinaas na ang Signal No. 1 ng bagyo sa Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Eastern Bohol, Northern Cebu, Surigao del Norte at Dinagat Island.
Umaabot naman umano sa bilang na 7,991 mga evacuees o 2,248 pamilya ang nasa loob ng 44 evacuation center sa lalawigan ng Albay dahil sa pinangangambahang buhos ng ulan ngayong araw.
Ayon kay Cedric Daep, hepe ng Albay Provincial Safety and Emergency Management Office (APSEMO), ang may pinakamaraming lumikas ay sa bayan ng Tiwi na may 707 pamilya o 2,973 na indibidwal.
Sa Guinobatan, ay ang may pangalawang pinakamaraming evacuees na umabot sa 867 pamilya o 2,948 katao dahil sa banta naman ng lahar. Karamihan sa mga taong pinalikas ay nagmula sa limang barangay na nasa loob ng bulkang Mayon.
Ang ibang bayan na nagkaroon ng paglilikas dahil sa banta naman ng flashfloods at pagbabaha ay ang Malinao, Manito, Camalig, Libon, Oas, Daraga at Ligao City.
Siniguro ng Malacanang na nakahanda ang lahat ng mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa disaster preparedness and relief operations kaugnay sa bagyong Amang, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo.