MANILA, Philippines — Kailangang bantayan ang susunod na mga kaganapan sa Hanjin Heavy Industries Construction, 'yan ang sinabi ni Sen. Antonio Trillanes IV dahil sa napipintong sabwatan diumano ng "Davao group" ni Pangulong Rodrigo Duterte at kumpanyang Tsino para mapasakamay ang South Korean shipyard.
“Based on Duterte’s pronouncements, I can see what’s coming next. Eventually, the Davao group will form a partnership with a Chinese company (Batay sa mga sinabi ni Duterte, nakikita ko na ang mangyayari. Di magtatagal ay magkakaroon ng partnership ang Davao group sa isang kumpanyang Chinese),” ayon kay Trillanes.
Giit ni Trillanes, gagamitin lang ito ni Duterte para sa sariling ganansya.
“They’re cornering every possible source of income. Duterte will claim his intention is sincere, but it’s all about making profit for his group (Kuknin nila ang lahat ng pera dyan. Sasabihin ni Duterte sinsero siya, pero ang totoo gusto niya lang kumita para sa grupo niya),” dagdag ng senador na humaharap sa kasong libel na inihain ng anak ng Pangulo.
Paliwanag naman ng Palasyo, panukala pa lang ito at kinakailangan pang pag-aralan.
Suwestyon pa lang daw ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Pangulo sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo.
"What I know is when I asked Secretary Lorenzana, parang ang sinabi lang ni Presidente, 'Tignan natin'... ibig sabihin siguro pag-aaralan," ayon kay Panelo sa press briefing ng Malacañang Press Corps noong Miyerkules.
Pero sa sariling palagay ni Panelo, makabubuti ang takeover.
"Maganda rin siguro 'yon kung tayo na magpapatakbo noon, sa akin personally," sabi ng tagapagsalita.
"If kaya ba nating patakbuhin, eh bakit hindi?... Hindi ba income 'yon? We are, I understand, the number four country in the world ranking in ship building. Eh di magandang kita 'yonn," dagdag niya.
Nauna nang sinabi ni Lorenzana na interesado siya sa ideya ni Navy chief Vice Adm. Robert Empredrad na gobyerno na ang magpatakbo ng Hanjin para makagawa ng sariling mga barko ng bansa.
Ilag at hindi pa naman ito sinusuportahan ni budget Sec. Benjamin Diokno at idiniin ang pagkakaiba ng papel ng gobyerno at pribadong sektor.
"The role of government is to provide defense, national security and peace and order. It is not the role [of the government] to do the direct production of whatever they use (Ang papel ng gobyerno ay magbigay ng depensa, seguridad sa bayan, kapayapaan, at kaayusan. Hindi nito gampanin na mandohan ang produksyon ng anumang gagamitin nila," ani Diokno.
Nais muna ng kalihim na matignan ang mga proposal at mapag-usapan ito nang husto bago ipatupad.
“Can you imagine the military producing their own ships? That is a major decision, we have to discuss it (Na-iimagine niyo ba na gagawa ang militar ng sariling mga barko? Mayor na desisyon 'yan,” dagdag niya at sinabing gusto munang makita ang proposal.