Bong Go ginagamit ang gobyerno sa early campaigning — De Lima

Dating kalihim ng Department of Justice, ipiniit sa Camp Crame si De Lima noong ika-24 ng 2017 matapos iugnay sa kalakalan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison.
File

MANILA, Philippines — Walang delikadesa, ganyan tinawag ni Sen. Leila de Lima si dating special assistant to the president Bong Go dahil sa paggamit diumano ng pondo't makinarya ng gobyerno para sa 2019 senatorial elections.

Aniya, laman kasi ng sari-saring tarpaulins, billboards, telebisyon, radyo, peryodiko at social media ang dating SAP ni Pangulong Rodrigo Duterte bago pa man ang opisyal na election period. Ayon sa Comelec Resolution 10429, sa ika-12 pa ng Pebrero magsisimula ang opisyal na campaign period para sa mga tatakbong senador.

"Halatang meron siyang makinarya para sa halalan. Pero saan niya kinukuha ang pera?" tanong ng senadora sa kanyang Facebook sa Ingles.

Dagdag ni De Lima, nakalagay ang pangalan ni Go sa ilang proyekto na pinopondohan ng gobyerno habang pinatutugtog ang kanyang jingle.

"Kahit saan makikita mo si Bong Go, hindi mo matatakasan."

Dati nang itinanggi ni Go noong Hunyo 2018 na nangangampanya siya para sa kanyang senatorial bid. Tumutulong lang daw siya kung kaya't nag-iikot ng bansa. 

"Ang trabaho ko ay para tumulong at gagawin ko 'yan saan man ako pumunta," sabi ni Go.

Sa kanyang pahayag, kwinestyon din ni De Lima ang patuloy na pagdikit ni Go kay Digong, na tila nagiging "official cameraman" at "Twitter/Socmed guy" na raw ng pangulo. Kung tutuusin, usurpation of authority na raw ito sa bagong SAP ng presidente. 

"Bilang patuloy pa rin siya [Bong Go] sa pagiging super alalay ni Duterte, it's safe to presume na nagagamit ang kaban ng bayan sa maagang pangangampanya... at parang siya pa rin ang SAP," giit ni De Lima.

Matatandaang nag-resign si Go bilang SAP bago maghain ng certificate of candidacy sa Commission on Elections.

Dating kalihim ng Department of Justice, ipiniit sa Camp Crame si De Lima noong ika-24 ng 2017 matapos iugnay sa kalakalan ng droga sa loob ng New Bilibid Prison.

Kinukuha pa rin hanggang sa ngayon ang panig ni Go tungkol sa mga akusasyon.

Kumpiyansa naman si Duterte na mananalo si Go sampu ng kanyang mga manok sa darating na halalan.

“Choose your candidates wisely. Eh ’di ngayon, nakita mo si Bong Go, senador na. Totoo. Mananalo siya. He will win. Hindi kilala iyan, pero tingnan mo ngayon,” ayon kay Digong noong Oktubre 2018.

Show comments