MANILA, Philippines — Hiniling ni Labor Sec. Silvestre Bello kay Pangulong Duterte na sibakin si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna dahil umano sa pag-abuso sa tungkulin matapos nitong ihayag na iimbestigahan ang tatlong gabinete dahil sa korapsyon.
Ayon kay Bello, wala siyang natatanggap na reklamo laban sa kanya at nalaman lamang niya ang imbestigasyon sa “news report” matapos itong ianunsiyo ni Luna.?
“Under the executive order creating the PACC, iyung pag-iimbestiga should be discreet in fairness to the respondents. Inuunahan naman niya (Luna),” ayon kay Bello.?
Bukod kay Bello, iimbestigahan din ng PACC si dating Customs Commissioner at ngayon TESDA chief Isidro Lapeña, at National Commission on Indigenous People Chairman Leonor Oralde-Quintayo.?
Sinabi naman ni Luna na wala siyang sinasabing premature na balita laban kay Bello at hindi rin niya sinasabi na ang alegasyon dito ay totoo at puwede naman umano siyang bigyan ng pagkakataon na sumagot dahil pinaiiral nila sa komisyon ang due process.
Para sa Malacañang, hindi muna dapat ibinunyag ng PACC ang pagkakakilanlan ng tatlong miyembro ng gabinete dahil mistulang nasira na ang reputasyon ng mga inaakusahan nang nailantad sa publiko ang kanilang pangalan. (Rudy Andal)