MANILA, Philippines — Sinira ng Mt. Cansermon Command ng New People's Army ang aabot sa P120-milyong halaga ng kagamitan ng Pilipinas Eco-Friendly Mining Corporation (PEMC) sa Ayungon, Negros Oriental kahapon.
Kabilang sa mga sinunog ng mga rebeldeng komunista ay isang drump truck, payloader, backhoe at dalawang power generators.
Ayon sa Twitter account ng NPA Negros, inatake ng NPA ang mining site bilang noong ika-2 ng Enero, pasado ala-una nang madaling araw.
PMEC heavy equipment damaged during NPA tactical offensive. pic.twitter.com/HHM3zBV5pa
— Juanito Magbanua (@npanegros) January 2, 2019
Ginawa raw ang taktikal na opensiba bilang parusa sa mapaminsalang epekto ng dambuhalang pagmimina sa mga palayan na nakaaapekto sa kabuhayan ng mga tao roon.
"Primaryang minimina ng PEMC ang silica (isang sangkap sa paggawa ng semento) at patuloy na gumagamit ng mapaminsalang open-pit mining sa operasyon nito sa mga bundok ng Ayungon," ayon Dionesio Magbuelas, tagapagsalita ng Mt. Cansermon Command ng NPA, sa Inggles.
Giit ng grupo, mapaaalis ng kumpanya ang tatlo hanggang limang baryo at makaaapekto sa 2,000 ektarya ng bukirin sa barangay Banban. Makasisira rin daw ito sa kabuhayan ng mga mangingisda dahil sa "silt" na raragasa sa mga bukal, ilog at irigasyon.
Tinawag namang "denuded" o nakakalbo ang mga bundok sa mga lugar kung saan nangyayari ang mining operations.
"Marami nang reklamo mula sa mga residente at nananawagan na silang tapusin ang mga operasyon," dagdag ni Magbuelas.
Aniya, magsilbing babala raw sana ito sa lahat ng kumpanya ng pagmimina sa Negros.
Kinukuha pa rin ang panig ng Armed Forces of the Philippines tungkol sa insidente.