MANILA, Philippines — Umaasa si Sen. Bam Aquino na maipatutupad na nang buo ang batas sa libreng kolehiyo sa 2019, kung saan ‘di na magbabayad kahit isang sentimo ang mga estudyante ng pampublikong unibersidad at kolehiyo sa tuition, miscellaneous at iba pang mandatory fees.
“Gawin sanang New Year’s resolution ang 100% compliance sa batas na Libreng Kolehiyo,” wika ni Sen. Bam.
“Siguraduhin natin na kahit kapos ang pamilya, makapagtatapos pa rin ng kolehiyo dahil libre na ang tuition, miscellaneous at iba pang mandatory fees sa public schools,” dagdag niya.
Pinangunahan ni Sen. Bam ang pagsasabatas ng Republic Act 10931 o Universal Access to Quality Tertiary Education Act bilang principal sponsor sa Senado.
Bago rito, nakakuha si Bam ng pangako mula sa Commission on Higher Education (CHED) na maglalabas ito ng memorandum na magbabawal sa state universities and colleges (SUCs) na maningil ng mandatory fees.
Sa pagdinig ng budget ng CHED, ipinabatid niya sa mga opisyal nito na nakatanggap siya ng reklamo mula sa mga estudyante na ilang SUCs pa ang nangongolekta ng miscellaneous at iba pang mandatory fees, sa kabila ng pagbabawal sa ilalim ng RA 10931.