MANILA, Philippines — Iniimbestigahan na ng Philippine National Police ang diumano'y kuneksyon ni Rep. Oscar “Richard” Garin Jr. (Iloilo 1st District) sa New People's Army at Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade.
Ayon kay Chief Superintendent John Bulalacao, natanggap na niya ang impormasyon nang maupo sa pwesto. 'Yan din ang nakuhang ulat ng PNP Regional Office 6 bagama't 'di pa nakukumpirma.
"Hindi ko muna vinalidate kasi duda ako sa nakuhang balita," ayon kay Bulalacao sa Ingles.
Humaharap ngayon sa kontrobersiya si Garin matapos nila diumano saktan ng amang si Mayor Oscar Garin Sr. at dalawang aides si PO3 Federico Macaya Jr. sa Guimbal town plaza.
Habang binubugbog daw ang 41-anyos na pulis, sinabi rin daw ni Garin na, "Anong gusto mo, ipapatay taka sa NPA (Anong gusto mo, ipapatay kita sa NPA)?"
Dahil dito, pinaghihinalaan na raw kung may kinalaman si Garin sa mga komunista.
"Pagkatapos niyang sabihin 'yan, nakatanggap na ako ng mga balitang may kaugnayan siya sa NPA sa pamamagitan ng kamag-anak nila sa Oton na member ng (Communist Party of the Philippines)-NPA," sabi ni Bulalacao sa Ingles.
Aniya, ibinigay na raw sa intelligence units ang ilang detalye.
Kung mapapatunayan ang alegasyon, sinabi ni Bulalacao na "wala pa kaming magagawa ngayon."
Isinuko naman ng mga Garin ang ilang baril na nakarehistro sa kanilang pangalan nitong Biyernes.
Nagmamay-ari si Garin Jr. ng 11 baril, tatlo rito ay paso na ang lisensya, habang walo naman ang nakarehistro sa kanyang ama, lima rito ang expired na.
Tanging siyam na baril ang isinaoli ng nakakababatang Garin – apat na long firearms at limang handguns. Ang iba raw ay nasa Maynila – isang Colt 5.56 rifle at BRSA pistol.
Idineklara namang nawawala ang tatlong malilit na baril ng nakatatandang Garin matapos magsaoli ng walo.