MANILA, Philippines — Nakatakdang paliitin ng Metropolitan Manila Development Authority ang daanan ng mga sasakyan sa EDSA para madagdagan ng isa pang lane para sa mga pribadong sasakyan.
Ayon kay Bong Nebrija, EDSA traffic czar, patutuparin ang "lane-narrowing scheme" pa-northbound at southbound para mapagaan ang daloy ng mga sasakyan mula Roxas Boulevard hanggang Monumento.
Paglilinaw ni Nebrija, walang "road diet" traffic reduction measure ang MMDA, taliwas sa sinabi ng kanilang tagapagsalita na si Celine Pialogo.
Planong bawasan ang lapad ng mga lane mula 3.4 metro patungong 2.8 metro.
Mangangahulugang magkakaroon na ng anim na daanan ng sasakyan mula sa kasalukuyang lima.
"Sa ilalim ng bagong iskema, gusto naming sumulong para mapaluwag ang EDSA. Gagamitin sa mga pribadong kotse ang bagong lane," sabi ni Nebrija.
Inirekumenda na rin ito ng EDSA traffic czar sa Department of Public Works and Highway na siyang responsable sa paglalagay ng mga kakailanganing panibagong markings.
Inaantay na lang daw ng MMDA ang approval ng DPWH lalo na't sila ang responsable sa mga proyekto ng gobyerno sa kalsada at imprastruktura.