MANILA, Philippines — Mistulang regalo ngayong Pasko ang natanggap ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Nicanor Faeldon Sr. matapos palayain ang kanyang anak na nasangkot sa droga kamakailan.
Nabatid na nadismis ang kasong paglabag sa Republic Act 9165 (maintenance of drug den) na isinampa ng mga awtoridad laban kay Nicanor Faeldon Jr.
Ibinasura ng piskalya ang nabanggit na kaso dahil umano sa kakakulangan ng ebidensiya.
Bukod kay Faeldon, nakalaya na rin sina Allan Valdez at Manuel Nebres na kasama sa mga nahuli sa nasabing operasyon.
Nitong Disyembre 14 ay nakasama sa nadakip ang nakababatang Faeldon sa ginawang search operation sa tinutuluyan nitong bahay sa Brgy. Mabolo, Naga City na umano’y drug den na pag-aari ni Russele “Bubbles” Lanuzo, ama ng girlfriend nito na siyang subject sa operasyon.
Una rito ay nagnegatibo sa drug test si Nicanor Jr., ngunit nagpositibo naman ang subject na si Bubbles na sa ngayon ay nananatili sa kustodiya ng Naga City Police Office (NCPO) habang hinaharap ang kasong may kaugnayan sa droga.