Ateneo student sa viral video, nanganganib mapatalsik sa eskwela

Sa isang pahayag, sinabi ni ADMU President Jose Ramon Villarin na prayoridad nila ngayon ang reklamo at hindi kukunsintihin ang naturang gawi. 
From Ateneo's official Twitter account

MANILA, Philippines — Siniguro ng pamunuan ng Ateneo de Manila University na sineseryoso nila ang kumakalat na video ng "pambu-bully" na nangyari sa loob ng kanilang eskwelahan at nangakong 'di mangingiming sipain mula sa institusyon ang sangkot kung mapatutunayang nagkasala.

Umani ito ng batikos matapos umikot sa social media ang ilang video kung saan makikitang minumura at sinasaktan ng isang estudyante ang mga kamag-aral, kabilang na rito ang kontrobersyal na pagtatanong ng  "Bugbog o dignidad?" sa palikuran.

'Hindi tikom sa isyu'

Sa isang pahayag, sinabi ni ADMU President Jose Ramon Villarin na prayoridad nila ngayon ang reklamo at hindi kukunsintihin ang naturang gawi. 

Pinabulaanan din ni Villarin ang mga alegasyong tahimik sila sa karahasan at handang magpataw ng expulsion sa mga kaso ng grave misconduct. 

Iniimbestigahan na rin daw ito ng Ateneo Junior High School ayon sa kanilang principal na si Jose Antonio Salvador. 

Mga nagshe-share ng video, binalaan

Pinaalalahanan naman nina Villarin at Salvador ang publiko at sinabing huwag nang ikalat ang mga video.

Ayon kay Salvador, nalalabag nito ang karapatan ng mga estudyante lalo na't mga menor de edad ang mga bata.

Kinundena naman ng Philippine Taekwondo Association ang insidente at sinabing hindi ito ang kanilang itinuturo sa mga atleta kung hindi respeto at kababaang-loob.

Kilalang practitioner ng taekwondo ang batang nasa likod ng pang-aabuso. 

Show comments