MANILA, Philippines — Magbibigay ng cash reward ang concerned citizen na si Don Bagatsing sa sino mang makakapagturo at makaka-aresto sa isang barangay chairman na nambugbog sa isang binatilyo sa loob ng barangay hall sa Maynila, kamakailan.
Ayon kay Bagatsing, P20,000 ang handa niyang ibigay sa sino mang makakadakip kay Brgy. Chairman Felipe Falcon Jr., ng Brgy. 350, Zone 35, Dist. III, Sta. Cruz.
Mariing kinondena ni Bagatsing ang ginawa ni Falcon at sinabing hindi makatarungan at makatao ang ginagawang pambubugbog nito sa biktimang binatilyo.
Aniya, dapat ay bugbugin din ng taongbayan si Falcon sa oras na siya ay madakip o lumutang, tulad ng kanyang ginawa sa biktima.
Paliwanag ni Bagatsing, walang puwang sa gobyerno ang isang halal na opisyal na sa halip na ipagtanggol ang kanyang mga nasasakupang mamamayan ay siya pa mismo ang gumagawa pananakit.
Hinihikayat din ni Bagatsing ang opisina ng Barangay Affairs ni Department of Interior and Local Government (DILG) Usec. Martin Diño na tanggalin na bilang Barangay Chairman si Falcon.