P25 umento sa Metro Manila aprub

Peligro ang sinusuong ng mga manggagawang ito tuwing sumasampa sila sa beam ng ginagawang gusali sa Quezon City. Kabilang sila sa tatanggap ng P25 dagdag sahod na inaprubahan ng wage board.
Michael Varcas

MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Regional Wages and Productivity Board ang P25 dagdag sa minimum na sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.

Dahil dito, maglalaro sa P500 hanggang P537 ang minimum wage sa mga manggagawa sa National Capital Region.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pasok sa naturang dagdag sahod ang P10 cost of living allowance o COLA.

Bukod sa NCR, nagtaas na rin ng sahod sa Mimaropa at sa Region 2 o Ilocos region.

Sa Region 2 ay P10 at P10 COLA habang sa Mimaropa ay may umentong mula P12-20.

Sa pagtaya ng labor coalition, P335.07 dagdag na umento ang kakaila­nganin ng manggagawa sa Metro Manila mula sa P512 kada araw na minimum wage.

Nasa P334 ang inihirit na dagdag sahod ng labor group na Associated Labor Unions-Trade Union Congress (ALU-TUCP) sa wage board habang P20 ang inalok umano ng grupo ng mga negosyante na Employers Confederation of the Philippines (ECOP), pero itinanggi nila ito.

“Yung P25 e baryang barya ito sa mga medium and large enterpri­ses,” ayon kay ALU-TUP spokes­man Alan Panjusay.

“Baka ho pwedeng P100 man lang yung dagdag sa sahod. Kung P25, wala po, hindi kayang bumili ng isang kilong NFA rice yan,” sabi niya.

Samantala, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dumaan sa kaukulang deliberasyon at pag-aaral ng wage board ang desis­yon nitong P25 wage hike sa NCR.

Naniniwala si Panelo na mas alam ng tripartite wage board kung ano ang sapat o hindi.

Una nang inihayag ng Palasyo na kanilang ipinauubaya sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board sa NCR ang pagpapasiya hinggil sa usapin ng wage increase.

May 10 araw ang Labor para iapela ang desis­yon ng wage board.

Pero ayon kay National Wages and Pro­ducti­vity Commission Exe­cutive Director Cri­selda Sy, wala pang apela ang nagtagumpay kahit umabot pa sa Supreme Court.

Magiging epektibo ang umento sa sahod, 15 araw matapos malathala sa mga pahayagan. (Dagdag ulat ni Rudy Andal)

Show comments