MANILA, Philippines — Nakalatag na ang ‘contingency plan” para sa 2018 Bar Exam na gagawin sa apat na Linggo ng Nobyembre (4,11,18 at 25) sa University of Sto. Tomas (UST) sa Sampaloc, Maynila.
Batay sa records ng Office of the Bar Confidant (OBC), may kabuuang 8,701 ang bilang ng mga nagtapos ng abogasya na kukuha ng pagsusulit, na pinakamalaking bilang sa kasaysayan ng Bar Exam.
Ang 2018 Bar exam ay pinamumunuan ni Supreme Court Associate Justice Mariano del Castillo.
Kaugnay nito ayon kay Deputy Clerk of Court and Bar Confidant Ma. Cristina B. Layusa, 10 bus ang inihanda para sakyan ng mga examinees at duty personnel na ikakalat sa pick up points kung magkakaroon ng mga malakas na pag-ulan.
Alas ?4:30 ng madaling araw ay nasa pick-up point na ang mga bus at eksaktong alas-5 ng umaga ay aalis na ito para ihatid ang mga examinees sa UST.
Kabilang sa itinalagang pick-up points ang Quezon City Memorial Circle near Philippine Coconut Authority (dalawang bus); Park and Ride, Lawton, Manila (1 bus); SC New Building Compound, Taft Avenue (2 bus); Greenbelt at Glorietta, Ayala Center, Makati (2 bus) at Marikina Sports Complex (1 bus).
Tanging mga Bar examinees at duty personnel lamang ang papayagan na makasakay sa shuttle bus at ito ay first-come, first-served basis kung saan kinakailangan na ipakita ang kanilang Notice of Admission, Gate Pass o identification cards sa bus driver para payagan silang makasakay.