P500,000 reward sa makakapagturo sa mga salarin
MANILA, Philippines — Dati umanong miyembro ng tinatawag na Revolutionary Proletarian Army na naging private goons ang sinasabing nasa likod ng naganap na pamamaril sa isang asyenda sa Sagay City, Negros Occidental na ikinasawi ng siyam na tao.
Ito, ayon kay Agrarian Reform Secretary John Castriciones, ay batay sa ulat na nakarating sa ahensiya kaya patuloy nilang inaalam ang tungkol sa naturang impormasyon.
Sinabi naman ni DAR Usec David Erro na batay sa nakarating na ulat sa kanila, ang private goons ang nasa likod ng pamamaslang pero beberepikahin muna nila ang naturang isyu.
Anya, bago ang madugong insidente, ilang dating miyembro ng RPA ang nagtungo sa lugar at ginigipit ang mga magsasaka ng tubo doon.
Sa insidente, siyam na miyembro ng Negros Federation of Sugar Workers ang napaslang noong Sabado ng gabi habang nagpapahinga sa Hacienda Nene sa Purok Firetree sa Sagay City.
Gayunman, apat na anggulo ang masusing sinisilip ng Western Visayas Police kaugnay sa naturang masaker.
Kasabay nito, binuo na ang Special Investigation Task Group (SITG) sa pamumuno Negros Occidental Police Director P/Sr Supt. Rodolfo Castil Jr.
Inihayag naman ni Western Visayas Police Director P/Chief Supt. John Bulalacao na kabilang sa apat na anggulo na sinisilip nila sa kasong ito ay ang paggamit ng mga land owners ng mga goons sa mga magsasakang benepisaryo ng kanilang lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng pamahalaan; pangalawa ay ang 40 mga claimant tenants na nagpapatay sa mga bagong pasok na magsasaka ng tubo sa Hacienda.
Pangatlo ay ang posibleng kinalaman ng New People’s Army rebels sa pag-atake kung saan sinadyang ipain ang mga magsasaka para maisisi sa gobyerno ang karumaldumal na pagpatay sa mga ito.
Pang-apat ay ang mga nakaaway na CAFGU ng land owner noong 2015.
Idinagdag pa ni Bulalacao, tatlo ang persons of interest na iniimbestigahan ng pulisya, bagaman isinailalim na sa kustodya ng kanilang mga abogado ang dalawa sa mga ito.
Ayon kay Bulalacao , kasama rin sa persons of interest ay ang NFSW.
Kaugnay nito naglaan na si Negros Occidental Governor Alfredo Marañon III ng P500,000.00 reward para sa sinumang indibidwal na makapagbibigay ng impormasyon sa ikaaresto ng mga suspek.