MANILA, Philippines — Isinusulong ngayon sa Senado ang pagpapataw ng parusa sa mga “nuisance candidates” o panggulo na pinagti-tripan lang ang paghahain ng certificate of candidacy (COC).
Sa panukala ni Sen. Sherwin Gatchalian, pagmumultahin ng P50,000 ang sinumang mapapatunayang pinaglalaruan ang paghahain ng COCs.
Nais ni Gatchalian na amyendahan ang ilang bahagi ng Election Code upang mas magkaroon ng kapangyarihan ang poll body sa pagtanggap ng mga kandidato.
Inihalimbawa ng senador ang maraming bilang ng nuisance candidates na naghain ng kanilang COCs sa pagka-senador para sa 2019 midterm elections.
“Nakita naman natin ‘yong mga kumandidato na alam mo namang hindi talaga seryoso o trip-trip lang ‘yong pag-file, like for example si Jesus Christ na taga-Cebu at saka ‘yong mga ex daw nina Kris Aquino at Mocha Uson. May King of Maharlika pa nga raw. Sana naman ay hindi nila babuyin ‘yong proseso,” sabi ni Gatchalian.
Dahil rin aniya sa mga nuisance candidates ay nasasayang ang resources at oras ng Commission on Elections.
Suhestiyon naman ni Assistant Minority Floor leader at 1-Ang Edukasyon Partylist Rep. Salvador Belaro Jr. na idiskuwalipika sa pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno ang mga nuisance candidates, hindi pa handang mga kandidato, drug users at iba pa.
Iginiit niya na bukod sa tapos ng kolehiyo ay dapat taasan pa ng Comelec ang kuwalipikasyon sa mga tatakbong kandidato.
Sa katunayan, ayon kay Belaro alinsunod sa Konstitusyon ng ibang bansa ang mga kuwalipikadong kandidato ay tapos ng college degrees.
Binigyang diin pa nito na dahil talamak ang narco politicians at paggamit ng iligal na droga sa bansa ay dapat idiskuwalipika rin ang mga kandidatong magpo-positibo sa drug test at boluntaryong magpa-drug test ang mga kandidato.
Binigyang diin nito na importante rin ang edad na dapat ay minimum na 35 anyos ang tatakbo sa pampanguluhan.
Bagaman at ginagarantiyahan ng 1987 Constitution ang pantay na karapatan at oportunidad para sa public service, sa isang desisyon ng Supreme Court, nakasaad na ang pagtakbo sa public office ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan.