MANILA, Philippines — ‘Pinapalayas’ na ng Natonal Parks and Development Committe (NPDC) ang National Historical Institute (NHI) sa compound ng Luneta dahil natapos na umano ang kanilang kontrata noong Disyembre 2017 pa.
Ayon kay Malou Reyes, chief of staff ni NPDC Executive Director Penelope Belmonte, masyado ng mahaba ang palugit na ibinigay nila sa NHI pero nagmamatigas pa rin umano ang mga opisyal ng naturang ahensiya at ayaw umalis sa Luneta.
Paliwanag ni Reyes, kung mayroon umanong delikadeza ang mga opisyal ng NHI dapat huwag na nilang antayin pang mismo ang NPDC ang kakaladkad sa kanila para lamang umalis sila sa kanilang pwesto.
Ang gusali ng NHI na may limang palapag ay makikita sa loob ng compound ng Luneta sa TM Kalaw katabi ng National Library na lupang pag-aari ng NPDC.
Ayaw namang magbigay ng komento ang NHI sa halip ay isasangguni muna umano nila sa kanilang abogado kung ano ang nararapat nilang hakbang.