MANILA, Philippines — Sumuko kahapon ng hapon sa Malabon City Police ang anim sa pitong kabataang lalaki sa viral video na humihithit ng usok ng marijuana at nagmura kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinilala ng Malabon City Police ang mga sumuko na sina Cornelo Aguilar, 22; Pen Ren Santos, 23; Cedrick Acharon, 21; Juaneil D. Esles , 18; Kurt Edison Año 22; at Imanuel Guerero, 23, pawang mga nakatira sa Barangay Tugatog, Malabon City.
Pinaghahanap pa naman ang isa pang suspek na si Randel Luis Roque na siyang nagmumura sa Pangulo.
Sa imbestigasyon, makaraang mag-viral ang video na masayang sumisinghot ng marijuana ang ilang kabataang lalaki na walang damit pang-itaas na minumura pa si Pangulong Duterte at iginigiit ang pagsasalegal ng naturang iligal na droga, agad na nagkasa ang pulisya ng operasyon upang matukoy ang mga lalaking sangkot.
Dito natukoy na taga-Brgy. Tugatog ang mga lalaki kaya nakipag-koordinasyon ang pulisya kay Brgy. Chairperson Edna Valenzuela na siyang kumilala sa pito.
Nang mabatid ng mga kaanak ng mga suspek ang paghahanap ng mga pulis, kusa na nilang isinuko ang anim na suspek upang hindi na malagay sa mas mabigat na kaso.
Samantala, kinondena naman ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go ang pagmumura ng mga kabataan at paghahamon sa Pangulo na i-legalized ang marijuana sa bansa.
Nakaditine ngayon ang mga suspek sa Malabon City Detention Center at nahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Related video: