MANILA, Philippines — Tinanggap ni Cabanatuan City Vice Mayor Emmanuel Antonio Umali ang utos ng Department of Interior and Local Govertment (DILG) noong July 4, 2018 na bumaba sa puwesto habang dinidinig ang kanyang motion for reconsideration sa Office of the Ombudsman.
Sinabi ni Umali na hindi siya nababahala bagama’t wala siya ngayon sa puwesto dahil naniniwala siyang nasa panig niya ang katotohanan.
Nag-ugat ang kaso sa bintang na ni-repack umano nila ang relief goods ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at “ginamit” sa pamumulitika noong 2016 elections.
Ayon kay Umali na sa loob ng mahigit isang dekadang serbisyo ng “Tatak Umali” marami na ang nabago sa buhay at kabuhayan ng mga taga Nueva Ecija, lalo na sa pagpapalakas ng basic social services, matinong pamamahala, matalinong serbisyo-publiko at makataong adbokasiya na sinimulan ng kanyang nakatatandang kapatid na si 3-termer governor Atty. Aurelio “Oyie” Umali.
Kinondena rin ng bise alkalde ang ikinakalat na ‘fake’ reversal decision ng mga kalaban nila sa pulitika para maibalik siya bilang pinuno ng konseho ng pamahalaang panlungsod ng Cabanatuan City.
Tiwala si Umali na anumang oras ay maglalabas ng reversal order ang Office of the Ombudsman para malinis ang kanilang pangalan sa eskandalong gawa-gawa lamang ng mga kalaban nila sa pulitika.