MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Duterte na nananatiling isa sa mga prayoridad ng Duterte administration ang mapagkalooban ang mga Pilipino ng maayos na healthcare system.
Sa 85th Annual National Convention of the Philippine Public Health Association na isinagawa sa Davao City, sinabi ng Pangulo na patuloy na magta-trabaho ang kanyang administrasyon upang maabot ang target na maging libre na ang serbisyong pangkalusugan sa bansa.
Tiniyak din ng Pangulo, hindi siya magdadalawang isip na ibuhos ang pondo para sa health care service gayung ang makikinabang naman dito ay ang taong bayan.
Basta’t sa ikabubuti aniya ng mga Pilipino ay mamamalaging bukas ang kanyang pananaw at gugulin ang resources ng pamahalaan para sa bayan.
Kaugnay nito, inatasan na ng Presidente ang health personnel na makipag-ugnayan sa mga barangay health workers upang magsagawa ng health monitoring sa mga komunidad.