MANILA, Philippines — Pulitika ang isa sa tinitingnang motibo ng PNP sa pagpatay kay Trece Martires, Cavite Vice Mayor Alexander Lubigan.
Ayon kay Calabarzon police director Chief Supt. Edward Carranza, nakatakda umanong tumakbo si Lubigan sa “mas mataas na posisyon” sa 2019 mid-term elections.
Hindi na nagbigay pa ng detalye si Carranza at sinabing bumuo na ang pulisya ng isang special investigation task force na lulutas sa pagpatay sa bise alkalde.
Ayon naman kay Cavite police chief Senior Supt. William Segun, hindi kabilang sa drug watchlist si Lubigan.
Wala rin umanong record na sangkot sa illegal drug trade ang vice mayor.
Nitong Sabado ng hapon nang tambangan ang sinasakyang Toyota Hi-lux ni Lubigan ng mga armadong salarin na lulan naman ng isang SUV na Montero sa tapat ng isang ospital sa Trece Martires. Patay noon din ang bise alkalde habang namatay naman sa ospital ang kanyang driver/bodyguard.
Nasa kritikal pa ring kondisyon ang isa pang bodyguard ng opisyal.
Si Lubigan ang ikatlong city official na napatay sa loob lang ng isang linggo.
Si Tanauan, Batangas Mayor Antonio Halili na iniugnay ni Pangulong Duterte sa drug trade ay pinatay sa flag-raising ceremony noong Hulyo 2.
Si Mayor Ferdinand Bote ng General Tinio, Nueva Ecija ay pinagbabaril naman sa kanyang sasakyan noong Hulyo 3.