Pagpatay kay Halili planado

Ito ang inihayag kahapon ni Interior and Local Government Officer in Charge Secretary Eduardo Año.
AP/Bullit Marquez, File

MANILA, Philippines — Planado umano ang pagpatay ng sinasabing asintadong salarin kay Tanauan City Mayor Antonio Halili na tinarget sa puso habang nagpa-flag raising sa municipal hall ng lungsod noong Lunes ng umaga.

Ito ang inihayag kahapon ni Interior and Local Government Officer in Charge Secretary Eduardo Año.

 “Pinagplanuhan, pinag-aralan iyung galaw, pinag-aralan yung schedule niya (Mayor Halili),” ani Año kung saan maaring gabi pa lamang ay nakapuwesto na sa lugar ang assassin.

“Talagang deliberate yung ginawa kung sino man yan or anumang grupo. Mukhang may malaking involved diyan,”, ani Año.

Kaugnay nito, sinabi ni Año na wala silang nakikitang koneksyon sa kaso ng magkakasunod na pagpatay kina Mayor Halili at General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote na tinambangan at napaslang naman kamakalawa ng hapon sa Cabanatuan City.

Samantala, kabilang naman sa mga posibleng motibo ng krimen na iniimbestigahan ay pulitika, walk of shame o pagpaparada ni Mayor Halili sa mga nahuhuling kriminal partikular na ang mga sangkot sa droga at ang umano’y pagkakasangkot nito sa illegal drug trade.

“Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pag-iimbestiga at pangangalap ng ebidensya ng task force para matukoy ang motibo sa likod ng krimen at agad na mahuli ang salarin,” sabi ng opisyal.

Related video:

Show comments