MANILA, Philippines — Binaril at napatay ng hinihinalang sniper ang kontrobersiyal na si Tanauan City Mayor Antonio Halili habang dumadalo sa isang flag-raising ceremony kahapon ng umaga sa harapan ng city hall sa naturang lunsod sa Batangas.
Napabantog si Halili dahil sa kanyang kampanyang walk of shame na nagpaparada sa mga kalsada sa Tanauan ng mga hinihinalang gumagamit at nagbebenta ng bawal na gamot.
Sa ulat ni Police Regional Office (PRO) IV A Director P/Chief Supt. Edward Carranza, inaawit na ang Lupang Hinirang na nasa bahagi ng “Ang mamatay ng dahil sayo” nang biglang pumutok ang isang baril na ang bala ay sumapol sa dibdib ng alkalde na duguang napalupasay sa insidente.
Ang pangyayari ay nai-video pa ng isa sa mga staff ng city hall kung saan nagkagulo at nagpanik ang mga dumalo sa nasabing flag raising bunga ng pangyayari.
Si Halili ay idineklarang dead-on-arrival dakong alas-8:45 ng umaga sa CP Reyes Medical Center .
Kaugnay nito sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni Philippine National Police Chief P/Director General Oscar Albayalde na inutos na niya ang pagbuo ng Special Investigation Task Group (SITG) para magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso ng pagpatay kay Halili.
Magugunita na si Halili ay napabilang sa ‘narco list ‘ ni Pangulong Rodrigo Duterte pero itinanggi ito ng alkalde sa pagsasabing pursigido siya sa anti-drug campaign at umano’y propaganda lamang ito ng mga kalaban niya sa pulitika. Iginiit ng alkalde na inosente siya sa nasabing paratang .
Kinondena ng Malacañang ang pagpatay kay Halili.
Nagpaabot kaagad ng pakikiramay ang Malacañang sa pamilya ng alkalde.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, malaking kawalan si Mayor Halili sa kampanya laban sa kriminalidad at illegal drugs.
Ayon kay Sec. Roque, nangangako ang gobyerno na bibigyan ng katarungan ang pagpaslang sa alkalde.
Sinabi naman ni House of Representatives committee on national defense and security Vice Chairman Ruffy Biazon na dapat matukoy kung may kinalaman sa walk of shame ni Halili at sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga ang pagpatay kay Halili.
Idinagdag naman ng kongresista na hindi pangkaraniwan na ang isang namaslang ay isang sniper dahil karaniwan lamang umanong gumagawa nito ay gamit ang baril at explosive device.
Kaya nangangahulugan ito na ang gumawa ng krimen ay isang highly skilled, well trained at galing sa isang pinondohang operasyon.
Hiniling kahapon ni Sen. Panfilo Lacson na magpatupad ang PNP ng mas mahigpit na firearms control measures kasunod ng pagpaslang kay Halili.
Wika pa ni Sen. Lacson, ang pagpatay sa mga pari, prosecutors sa harap ng maraming tao tulad ng pagpaslang kahapon ng umaga kay Mayor Halili ay nakakaalarma.
Related video: