MANILA, Philippines — Iginiit ni Senador Bam Aquino na panahon na para aksiyunan ng pamahalaan ang mataas na presyo ng bilihin at serbisyo sa gitna ng pagtaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maaaring pumalo ang inflation rate ng hanggang 5.1 percent para sa buwan ng Hunyo at patuloy na paghina ng piso.
“Sa paghina ng piso, lalong nalulunod sa taas ng mga presyo ang mga Pilipino. Malaking porsiyento ng mga produkto sa merkado ay mayroong imported na raw materials kaya ang tama ng pagbaba ng peso ay pagtaas na naman ng presyo,” wika ni Sen. Bam bilang pagkontra sa pahayag ni Budget Secretary Benjamin Diokno na hindi makakasama sa bansa ang pagbaba ng piso.
“Pareho ang sinasabi ng datos ng gobyerno at karanasan ng maraming Pilipino, nalulunod ang taumbayan sa tumitinding taas presyo,” sabi ni Sen. Bam, isa sa apat na senador na kumontra sa ratipikasyon ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Nanindigan si Sen. Bam na ang pagtaas ng inflation rate at humihinang piso ay sapat na dahilan para ipatigil ng pamahalaan ang TRAIN Law.