CBCP nabahala
MANILA, Philippines — Ikinababahala na ng Simbahang Katolika ang dumaraming bilang ng mga tao sa Pilipinas na dumaranas ng sakit sa pag-iisip at iba pang uri ng mental health problem.
Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care (CBCP-ECHC) Executive Secretary Father Dan Cancino, na kapag hindi naagapan at nabigyan ng tamang lunas at atensiyon ang depresyon ay nagiging dahilan ito ng suicide.
Dahil dito, hinihimok ng Simbahan ang mamamayan na nakararanas ng depresyon at iba pang mental health problem na mas maging bukas sa pakikipag-usap sa kanilang pamilya, kaibigan at higit sa lahat manampalataya sa Diyos.
Iginiit ng Pari na sa pamamagitan ng pananampalataya ay nabibigyan agad ang bawat isa ng walang hanggang pag-asa.
Sa datos ng Department of Health na mula taong 2016 ay umaabot na sa 2,413 ang kaso ng suicide sa bansa.
Kaugnay nito, kinatigan ng isang opisyal ng Simbahan ang pag-aaral ng Royal Stoke Hospital Department of Cardiology, sa Stoke-on-Trent sa Britain na nakabubuti sa kalusugan ang kasal.
Ayon kay Rev. Father James Andrew Castillo, SOLT, Program Creator ng Radio Veritas Asia, hindi lamang sa aspetong emosyonal nakatutulong ang pagpapakasal, ito rin ay nakakatulong na mapabuti ang pisikal na kalusugan ng isang tao.
Sinasabi sa pag-aaral na 42-porsiyento ng mga tao na hindi kasal, diborsiyado at wala nang katuwang na asawa ay mas madaling magkaroon ng mga cardiovascular disease.
Samantala, 16-porsiyento naman ng mga single o walang karelasyon ang kadalasang nagkakaroon ng coronary heart disease.
Ang panganib ng pagkamatay mula sa coronary heart disease para sa mga tao na hindi pa kasal o diborsiyado ay tumaas ng 42-percent.
Ang “risk factors” gaya ng katandaan, high blood pressure, diabetes at mataas na cholesterol at maging paninigarilyo ay ang bumubuo sa 5-porsiyento na dapat iwasan para hindi na mauwi pa sa cardiovascular disease ang karamdaman.