MANILA, Philippines — Umaabot na sa 246 mga pari, ministro at pastor ng iba’t ibang relihiyon ang nag-apply sa Philippine National Police (PNP) upang makapagbitbit ng armas.
Sa press briefing sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde na, sa 246 lider ng mga relihiyon ay 188 dito ang mula sa Simbahang Katoliko habang 58 pa ang mula sa iba’t ibang sekta ng relihiyon.
“We have received 246 requests for Permit to Carry Firearms Outside of Residence (PTCFOR) from 188 priests; and 58 ministers, preachers and pastors,” ani Albayalde.
Sa rekord ng PNP-Firearms and Explosives Office (FEO), ang mga alagad ng iba’t ibang sekta ng relihiyon sa pangunguna ng mga paring Katoliko ang iba rito ay dati nang nag-apply habang ang bulto ay nito lamang Hunyo.
Naging pursigido ang mga pari na magsipag-armas bunga ng sunud-sunod na pagpatay sa tatlo nilang kasamahan.
Pinakahuli sa mga pinaslang ay si Fr. Richmond Nilo noong Hunyo 10 ng gabi bago ito magmisa sa isang simbahan sa Zaragosa, Nueva Ecija. Si Nilo ang ikatlong pari na pinaslang sa loob ng anim na buwan ng riding-in-tandem.
Magugunita na si Fr. Marcelino Paez, kura paroko sa Jaen, Nueva Ecija ay pinagbabaril at napatay noong Disyembre 4, 2017.
Si Fr. Mark Ventura ay napatay naman matapos na magdaos ng misa sa Gattaran, Cagayan noong Abril 29, 2018.
Ang isa pa na si Fr. Rey Urmeneta ng St. Michael de Archangel Parish ay sugatan naman sa ambush sa Calamba City, Laguna noong unang bahagi ng buwang kasalukuyan.
Sinabi naman ni Albayalde na dadaan muna sa masusing proseso ng PNP-FEO bago maaprubahan ang kahilingan ng mga pari, ministro, pastor at mga preacher bago ang mga ito makapagbitbit ng mga armas.
“We are also amenable to taking the extra step of providing firearms proficiency and marksmanship training to religious leaders who wish to own and possess firearms,” ang sabi pa ng PNP chief.