MANILA, Philippines — Bibili na ng mga submarine ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito’y matapos aprubahan ni Pangulong Duterte ang ikalawang yugto ng AFP Modernization Program.
Gayunman, tumanggi muna si Defense spokesman Arsenio Andolong na tukuyin kung ilang submarine ang kanilang bibilhin pero sinabing higit ito sa isa dahil iginiit ng mga opisyal ng Philippine Navy ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga submarine.
Sa kasalukuyan ay bumubuo na ang Philippine Navy ng ‘submarine group’ at inihahanda na rin ang kanilang mga sailors kung paano gumamit ng underwater warship sa pamamagitan ng pagpapadala sa mga ito sa kanilang mga counterpart sa ibayong dagat.
Ang capability upgrade program ng AFP na nilikha at unang ipinatupad sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Aquino ay nahahati sa tatlong bahagi - Horizon 1, 2 at 3 kung saan ang ikalawang yugto ay mula 2018 hanggang 2022.
Inamin naman ni Andolong na ang pagbili ng mga submarine ay isa sa mga prayoridad ng Philippine Navy kaya mula sa Horizon 3 ay inilipat ito sa Horizon 2 upang mapabilis ang procurement. Pinagpipilian nila ang South Korea, Russia at iba pang mga bansa.
Sa kasalukuyan ay wala pa ni isang submarine ang Pilipinas.
Sa mga bansa sa Southeast Asia tulad ng Malaysia, Indonesia, Vietnam at maging ang Singapore na siyang pinakamaliit ay mayroong mga submarine.