Diño ipapatawag ng Kamara sa vote buying

MANILA, Philippines — Dahilan sa umano’y pag-aakusa sa mga kongresista ng vote-buying, hiniling ni House Deputy leader Raneo Abu na ipatawag si DILG undersecretary Martin Diño.

Galit na galit na binasag ni Abu ang katahimikan sa kanyang privilege speech matapos na maakusahan at makasuhan dahil sa umano’y vote buying sa nakalipas na Barangay at SK elections.

Hindi tahasang tina­lakay o itinanggi ng kongresista ang bintang laban sa kanya dahil subject na umano ito ng kaso suba­lit tinatawanan lamang umano niya ang nasabing bintang.

Subalit pinuntirya ni Abu si Diño na siyang nagpasabog ng impormasyon na may mahigit 1,000 opis­yal kasama ang may 100 kongresista na sangkot sa vote buying nitong katatapos lamang na eleksyon.

Dahil dito kaya hiniling ni Abu sa Kamara na ipatawag si Diño at pagpaliwanagin sa naging alegasyon at kailangan umano siyang humarap sa Kamara na may bitbit na matitibay na ebidensiya para patunayan ang mga bintang.

Paliwanag ng Deputy Speaker, naghirap silang buuin ang kanilang pa­ngalan at kunin ang tiwala ng kanilang constituents at hindi sila papayag na isang opisyal ng gobyerno na gusto lamang magpa-pogi sa media ang sisira nito.

Show comments