MANILA, Philippines — Nabawasan ng kung ilang milyong piso ang yaman ni Vice Pres. Leni Robredo base na rin sa inihain nitong Statement of Assets, Liabilities And Networth (SALN) noong 2017 sa Office of the Ombudsman.
Mula sa 2016 networth na P8.878 milyon ni Robredo ay bumulusok ito pababa sa P1.114 milyon noong Disyembre 2017.
Ayon na rin sa Bise Presidente, ginamit ang milyong halagang pera na pambayad sa ipinataw ng Presidential Electoral Tribunal (PET) kaugnay sa electoral protest na inihain ni dating senador Bongbong Marcos.
Nasa liabilities din ni Robredo na mula P6.9 milyon noong 2016 ay tumaas ito sa P11.9 milyong utang noong 2017.
Sumadsad din pababa ang kabuuang ari-arian o assets ni Robredo sa P13.014 mula sa mahigit P15 milyon.
Magugunitang nagdeposito si Robredo sa PET ng P8 milyon bilang initial payment sa kanyang counter-protest laban kay Marcos matapos ang huli ay magsampa ng protesta laban sa kanya noong Hunyo 2016 upang i-contest ang panalo nito sa vice presidential race.