MANILA, Philippines — Nakatakda nang lagdaan ang isang Memorandum of Agreement ng Pilipinas at Kuwait ngayong May 11 upang bigyan ng proteksyon ang mga Overseas Filipino Worker na nasa gulf state, ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque.
Sinabi pa ni Roque na pinalaya na rin ng Kuwait government ang apat na Filipino drivers na ikinulong kaugnay ng rescue mission ng Philippine embassy sa mga distressed OFW.
Wika pa ni Roque, ‘Ito ay resulta ng pagpupulong kamakalawa ng Kuwaiti Interior Ministry officials at opisyal ng gobyerno sa pangunguna ni Labor Secretary Silvestre Bello III, former Labor Secretary Marianito Roque, Labor attaché Rustico dela Fuente at Deputy chief of mission sa Kuwait na si Mohd Noordin Lomondot.
Idinagdag pa ni Roque, pumayag ang Kuwait government na bumuo ng special police unit na siyang magiging katuwang ng Philippine embassy sa mga matatanggap nitong reklamo ng mga OFWs.