MANILA, Philippines — Kinuwestyon ni Bayan Muna Rep. Isagani Zarate ang liderato ng Kamara dahil sa bagong panuntunan na inilabas para sa mga media na nagko-cover ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Giit ni Zarate, ang ibang probisyon na nakalagay dito ay magreresulta sa pagpigil at pagkontrol sa media coverage at mga balita sa loob ng Kamara.
Sinabi pa ng kongresista na ang bagong House rules ay maaring magamit para ma-pressure ang media na huwag i-cover o ilabas ang mga kritisismo at oposisyon laban sa liderato ng Kamara dahil sa posible itong ma-interpret bilang paninira sa mga miyembro ng Kamara.
Inihalimbawa ni Zarate ang nangyaring insidente kay Reps. Albee Benitez at Celso Lobregat na nahulog sa tulay at maaari rin umanong ma-interpret na paninira sa mga miyembro ng Kamara kapag ini-report ng House accredited media.
Base sa bagong House media rules, na ang journalist na naninira sa reputasyon ng isang miyembro o opisyal ay maaring tanggalan ng karapatan na mag-cover sa Mababang Kapulungan.
Bukod dito, ang iba pang grounds para sa revocation ng media credentials ay kapag napatunayan na may maling akusasyon ang isang mamamahayag, sangkot sa anumang aktibidad para sumuway sa mga polisiya ng Kamara.
Gayundin kapag ang isang House accredited media ay napatunayang guilty ng gross misconduct.
Ipagbabawal na rin ang stand-up o live reporting at ambush interviews sa mga kongresista, resource persons, invited guests o sinumang personalidad sa corridors o hallways ng gusali ng Kamara.
Iginiit ni Zarate na ang nasabing mga rules ay paglabag sa press freedom gayundin sa right to self expression.