MANILA, Philippines — Isa pang undersecretary ang nakatakdang sibakin ni Pangulong Duterte sa linggong ito.
“Mayroon talagang [undersecretary] na scheduled para sibakin,” paniniguro kahapon ni Presidential Spokesman Harry Roque.
Magugunita na mismong si Pangulong Duterte ang naghayag sa mass oath talking ng mga bagong government appointees sa Malacañang kamakalawa na mayroon siyang sisibakin na mga high government officials pero hindi niya ito pinangalanan.
Ilang ulit nang sinabi ng Pangulo na kahit ‘whiff of corruption’ ay batayan na para sibakin niya ang isang government official kahit na malapit ito sa kanya.
Sinabi ni Roque, papangalanan niya ngayon (Huwebes) sa media briefing sa Malacañang ang pangalan ng undersecretary na sisibakin ni Pangulong Duterte.
Tumanggi namang magbigay ng komento si Roque sa umano’y pagbibitiw ni Labor Usec. Dominador Say.
Sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello III na naisumite na niya ang letter of resignation ni Usec. Say sa tanggapan ni Executive Sec. Salvador Medialdea.
Bago kay Say, nagbitiw din sa puwesto si dating Justice Sec. Vitaliano Aguirre III at ipinalit rito si dating Senior Deputy Executive Sec. Menardo Guevarra.