Bilang fact-check partner ng Facebook
MANILA, Philippines — Umangal ang Malacañang sa pagiging 3rd party fact-check partner ng Facebook sa Asia-Pacific division ang Vera Files at Rappler.
Hiniling ni Undersecretary Lorraine Marie Badoy sa Facebook na ikunsidera ang pagpili nito sa Vera Files at Rappler bilang 3rd party fact-check media partner.
Sinabi pa ni Badoy ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) na nais nilang magkaroon ng dialogue sa Facebook para hilingin na ikunsidera nito ang ginawang pagpili sa nasabing social media entities bilang partner nito.
Hinimok pa ni Badoy ang iba pang stakeholders na makiisa sa gobyerno at ilabas din ang kanilang sintemyento sa ginawang pagpili ng FB sa Vera files at Rappler bilang 3rd party fact-check partner nito sa Pilipinas.
Samantala, kontra rin si Presidential Spokesman Harry Roque sa ginawang pagpili ng FB sa Rappler at Vera Files bilang 3rd party fact-check partner nito laban sa fake news.
Wika pa ni Roque, maging siya ay naging biktima ng fake news ng Rappler.
“Dapat talaga ay putaktihin ng lahat ng mga DDS ang Facebook at sabihin mali ang napili nila na mag-vet ng fake news dahil sila nga ang gumagawa ng fake news. At dami naman natin dito sa internet, mga DDS ‘no, sa tingin ko ay masa-shock din ang management ng Facebook at makikinig sa atin,” paliwanag naman ni Roque.