MANILA, Philippines — Binabantayan ngayon ng Department of Foreign Affairs ang kundisyon ng isang ‘overseas Filipino worker sa Saudi Arabia makaraang puwersahang pinainom umano ng bleach ng kanyang babaeng amo.
Sa pahayag ng DFA, nasa ‘serious but stable’ na kundisyon na sa King Fahad Central Hospital sa Jizan, KSA si Agnes Mancilla.
Nadakip naman ng lokal na pulisya ang employer ni Mancilla na hiniling ng Philippine Consulate General sa Jeddah na matiyak na masampahan ng kaukulang kaso.
Ayon pa sa ulat, isinugod si Mancilla ng mga kapwa Pilipino sa pagamutan noong Abril 2 nang humingi siya ng saklolo makaraan ang pang-aabuso ng amo.
Nabatid na nag-umpisang magtrabaho sa Saudi Arabia si Macilla noong 2016 ngunit paulit-ulit umanong nakakaranas ng pagmamalupit at pisikal na pag-abuso ng kanyang amo na hindi nagbabayad ng kanyang suweldo.
Bukod sa pinsala sa loob ng katawan dahil sa nainom na bleach, may nakita ring mga paso sa likod ng OFW ang mga manggagamot.
Related video: