MANILA, Philippines – Nanawagan si Sen. Bam Aquino sa gobyerno na imbestigahan ang nasabat na milyung-milyong halaga ng smuggled rice sa Zamboanga Sibugay nitong kamakalawa ng gabi.
“Panagutin natin ang mga smugglers na nagpapayaman habang lalong nagugutom ang mga Pilipino," pahayag ni Aquino.
"Imbestigahan na para malaman kung sino ang sangkot sa smuggling ng bigas. Posibleng pare-pareho ang mga sindikatong nagpapasok ng droga at iba pang illegal goods sa bansa," dagdag ng senador.
Naharang ng Naval Task Force 61 ang M/V Diamond 8, kung saan natuklasan ang nasa 27,180 na sako ng Vietnam Rice na tinatayang nasa P67.9 milyon ang halaga.
Nakatakas naman ang /V Yssa Maine at M/V Yousra na nauna nang nakargahan ng Diamond 8 ng nasa 7,000 hanggang 8,000 sako ng bigas.
Pinuri naman ni Sen. Francis Pangilinan ang Naval Forces Western Mindanao sa pagkakadakip ng barko sa Olutanga Island sa Zamboanga Sibugay.
"We laud the Navy for doing its job of protecting our territorial waters from bad elements and from those who are trying to make quick money out of our countrymen," ani Pangilinan.
Nangyari ito kasabay ng kinakaharap na problema ng bansa sa kakulangan ng supply ng bigas.