MANILA, Philippines — Hindi lang para sa China ngunit bukas ang Pilipinas para sa lahat ng bansa na nais mamuhunan sa eksplorasyon sa West Philippine Sea at sa “Build, Build, Build program” ng pamahalaan.
Sa panayam sa Bloomberg Hongkong, sinabi ni Department of Energy Secretary Alfonso Cusi na sa kasalukuyan wala pang napagkakasunduan sa ‘joint exploration’ sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea ngunit nagkasundo na bumuo ng isang panel na bubuo ng ‘framework’ para sa usapin.
Ngunit nilinaw ni Cusi na handa ang Pilipinas sa anumang pag-uusap hindi lang para sa Tsina ngunit maging sa iba pang mga bansa na may interes.
“Both parties want to see the completion of the framework. But the participation of President Rodrigo Duterte in the Boao Forum is the sign of the Philippines is ready for all not just China but all countries”, ani Cusi. Bukod sa mga matataas na opisyal ng Tsina, dumalo rin sa naturang forum ang mga pinuno ng mga bansang Singapore, Pakistan at Mongolia maging mga pinuno ng United Nations at International Monetary Fund.
Inamin ni Cusi na importante ang eksplorasyon at pagdebelop sa West Philippine Sea para sa kasiguruhan ng suplay ng enerhiya sa bansa.
“Under the Build, Build, Build, we will be requiring an additional of 44,000 kWh of power until 2040. But you don’t build power over a year, it takes time. We need to build up capacity because of these projects we will be requiring additional power,” ayon sa kalihim.
Marami na umanong espekulasyon ngayon sa mga internasyunal na mga kumpanya dahilan ng paggalaw ng kanilang mga stocks dahil sa napipintong pagdebelop sa WPS na sinasabing napakayaman sa langis at natural gas.
Hinikayat din ni Cusi ang mga internasyunal na kumpanya na mamuhunan sa Pilipinas na isa umano sa pinakamabilis ang pagtaas ng ekonomiya nang makapagtala ng 6% pagtaas sa mga nakalipas na panahon.