MANILA, Philippines — Natapos nang balangkasin ng House Public Works Committee technical working group (TWG) ang isang ‘substitute bill’ para sa panukalang Public Private Partnership (PPP) Rationalization Act, at isulong ang programang “Build, Build, Build” ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng technical panel at may akda ng isa sa ilang panukalang PPPRA, layunin ng bill na gawing ‘institutional’ at palakasin ang kapaki-pakinabang na pagtutulungan ng pribadong sektor at gobyerno sa imprastraktura at iba pang mahalagang mga programa na sadyang kailangan para sa tagumpay ng ‘Build, Build, Build program.’
“Kailangan natin ang puhunan, pagka-malikhain at kahusayan ng pribadong sektor na maga-gamit sa PPP upang makalikha ng maraming trabaho, mapahusay ang kumpetisyon at mapasulong ang ekonomiya . . . Ngayon na ang panahon para palaguin natin ang ‘public-private partnerships’ tungo sa ‘Golden Age of Infrastructure,’ ng bansa,” diin ni Salceda.
Kasama sa mga repormang lalong magsusulong sa PPP Program ang simple at higit na malinaw na mga alituntunin upang mapabilis ang implementasyon ng mga programa, maging patas ang kumpetisyon na kailangan habang inilalahad ng pamahalaan ang malakihang mga proyekto nito.
Ayon pa kay Salceda, kabilang sa 75 dambuhalang mga proyekto sa ilalim ng “Build, Build, Build” program sa susunod na mga taon na nagkakahalaga ng $180 bil-yon ang anim na airports, siyam na railway system, 32 road networks’at mga tulay, at apat na seaports o pantalan para tiyaking magiging maginhawa at madali ang pagbiyahe ng mga tao at produkto, isulong ang pamumuhunan sa mga rehiyon, pataasin ang kita sa mga lalawigan, pababain ang gastos sa paglikha ng produkto, at lumikha ng mga trabaho at kabuhayan.
Kasama rin sa binabalangkas ang apat na plantang lilikha ng murang kuryente, 10 proyekto sa tubig at irigasyon, limang dikeng panlaban sa baha, at tatlong ‘urban redevelopment programs.’