MANILA, Philippines — Kinatigan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pahayag ni Pangulong Duterte na isailalim sa land reform ang isla ng Boracay at ipamahagi ito sa mga magsasaka.
Sinabi ni DENR Usec. Jonas Leones, batay sa Presidential Proclamation No. 1064 idineklara noon dating Pangulong Gloria Arroyo bilang forest land ang higit 400-hektarya ng isla, habang nasa 628-hectares naman ang pinroklamang agricultural land.
Bagamat nauna na umanong kinontra ng mga stakeholders sa isla ang kautusan noon ng pangulo ay pinagtibay naman ito ng Korte Suprema.
Wika pa ni Leones, hindi mapaalis ang mga residente ng Boracay na may hawak ng titulong dated before June 12, 1945.
Isasama na rin anila ang Department of Agrarian Reform para masiyasat kung kwalipikado pang pagtamnan ng mga magsasaka ang uri ng lupa sa isla.
Magugunita na sinabi kamakalawa ni Pangulong Duterte na ipamamahagi niya ang lupain ng Boracay island sa mga magsasaka sa pamamagitan ng land reform matapos ang rehabilitasyon nito.
Isasara na ang Boracay island simula ?sa Abril 26 sa loob ng 6 na buwan upang isailalim ito sa rehabilitasyon at paglilinis matapos na tawagin itong ‘cespool’ ng Pangulo.
Inirekomenda sa Pangulo ng DENR, DILG at DoT ang pagpapasara sa Boracay na kinatigan naman ng Chief Executive.
Related video: