MANILA, Philippines — Hindi man personal na dumalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdiriwang ng ika-76 na anibersaryo ng Araw ng Kagitingan sa Dambana ng Kagitingan sa Mt. Samat, Pilar, Bataan nagpadala naman siya ng kanyang mensahe sa pamamagitan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.
Sinabi ng Pangulo sa kanyang mensahe na dapat alalahanin lagi ang kabayanihan ng mga beteranong Pilipino na nakipaglaban sa pananakop ng mga dayuhan para sa kalayaan ng inang bayan.
Ipinagmalaki ni Pangulong Duterte na noong 2017 hanggang nitong nakaraang buwan, mahigit 6,000 beterano at mga dependents ang nakinabang na sa hospitalization and medical care sa iba’t ibang pagamutang accredited ng Veterans Memorial Medical Center o VMMC.
Nasa P50.7 billion na rin umano ang educational assistance na nailabas mula 2017 hanggang nitong buwan ng Marso sa pamamagitan ng “Iskolar ng mga Bayani” program kung saan 450 ang nagtatapos sa kolehiyo kada taon.
Ang Pangulo ay hindi na nakapunta sa Bataan dahil naghahanda siya sa kanyang pagdalo sa Boao Forum for Asia sa Hainan Province sa China mula April 9 to 10.
Magkakaroon ng bilateral meeting ang Pangulo kay Chinese President Xi Jinping upang palakasin ang kampanya laban sa ilegal na droga gayundin ang economic interest ng Pilipinas at China.
Bago umuwi ng Pilipinas dadaan ang Pangulo sa Hongkong mula April 10-11 para makasalamuha ang mga overseas Filipino workers doon.