MANILA, Philippines — Pabor si House Speaker Pantaleon Alvarez sa hakbang ni Pangulong Duterte na buwagin ang policy making body ng National Food Authority (NFA) sa gitna ng nakaambang rice shortage sa bansa.
Para kay Alvarez, hindi na kailangan ang council dahil mayroon namang NFA administrator na kung gagawin talaga ang kanilang trabaho ay wala naman magiging problema.
Giit pa ng Speaker, bukas din siya sa opsyon para i-reconstitute ang NFA council.
Balak din niya na magkaroon ng imbestigasyon para idetermina na rin kung ano ang mga kinakailangang amyenda para sa itinatag na batas.
Matatandaan na binuwag ni Pangulong Duterte ang 18-member body sa gitna ng hindi pagkakaunawaan sa rice importation policy sa pagitan ng NFA at council.
Ipinagtataka naman ni Alvarez kung bakit sa dami ng agriculturist mula sa mga katabing bansa tulad ng Cambodia at Thailand na nag-aaral sa International Rice Research Institute sa Los Baños, Laguna ay nag-iimport pa rin tayo ng supply ng bigas mula sa naturang mga bansa.