Digong kay Guevarra: ‘Ibalik ang dating imahe ng DoJ’

“The President told me to bring back the DOJ’s dignified image,” sabi ni Guevarra.
File

MANILA, Philippines — Mahigpit umano ang utos ni Pangulong Duterte kay bagong Justice Sec. Menardo Guevarra na ibalik ang dignidad at dating magandang imahe ng DoJ kasunod ng pagbibitiw ni Vitaliano Aguirre II.

“The President told me to bring back the DOJ’s dignified image,” sabi ni Guevarra.

Una nang ipinag-utos ni Duterte kay Guevarra na gawin nito ang tama para sa kagawaran na nabahiran ng mga kontrobersiya sa pamumuno noon ni Aguirre.

“I thank the president for his trust. His sole instruction to me: Do what is right,” ani Guevarra.

Nagsimula umanong mabahiran ang tiwala ng Pangulo kay Aguirre sa pagkakadawit ng huli sa P50-million bribery scandal na nagsasangkot kina dating Immigration deputy commissioners Al Argosino at Michael Robles at pag-absuwelto ng DOJ prosecutors sa mga drug charges laban kina Kerwin Espinosa, Peter Lim, Peter Co at iba pang akusado.

Naniniwala rin si Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na ang pagkawala ng tiwala ni Pangulong Duterte ang nakikita niyang dahilan kaya nag-resign si Aguirre.

“I remember him when he was being interviewed, ang sabi niya, kapag nakita ko sa body language ni Presidente na he lost his trust in me, I will immediately resign,” sabi ni Panelo.

“So iyon ang tingin ko sa kaniyang resignation. Siguro he feels na wala ng tiwala sa kanya si Presidente,” dagdag pa ni Panelo.

Sinabi pa ni Panelo, sa kanyang palagay ay dumating na ang pagkakataong naramdaman na ni Aguirre ang loss of confidence kaya’t nagpasiya na itong maghain ng liham ng pagbibitiw na tinanggap naman ng Pangulo.

Show comments