MANILA, Philippines — Pinagkokomento na ng Korte Suprema si Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaugnay ng quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG) na ang layon ay ideklarang imbalido o walang bisa ang kanyang pagkakatalaga bilang chief justice.
Sa isinagawang en banc session ng Supreme Court, inatasan si Sereno na maghain ng paliwanag o komento sa loob ng 10 araw.
Sa ilalim ng quo warranto petition, sinabi ni Solicitor General Jose Calida na kuwestiyonable ang appointment ni Sereno dahil sa kabiguan nitong magsumite ng kanyang Statement of Assests Liabilities and Networth (SALN).
Naninidigan si Calida na nilabag ni Sereno ang ilang probisyon ng Konstitusyon sa hindi pagsusumite ng kinakailangang SALN.
Ayon kay Calida, bagama’t isang impeachable official ang punong mahistrado, may kapangyarihan din ang OSG na kuwestyunin ang appointment ni Sereno alinsunod sa ilalim ng konstitusyon at ng Rule 66 ng rules of court.