MANILA, Philippines — Mas makakaiwas na sa fake news ang sambayanan hanggang sa mga liblib na lugar sa buong bansa.
Ito ang kampanteng pahayag ni Presidential Communications Secretary Martin Andanar matapos ang 3-araw na kauna-unahang National Information Convention na ginanap sa Davao city.
Sinabi ni Andanar na sa pamamagitan ng 1,800 mga information officers ng Pilipinas, tiyak na maipapakalat sa buong bansa ang mga programa at proyekto ng gobyerno upang maiwasan na rin ang mga disinformation, misinformation at higit sa lahat ang fake news.
Ayon kay Andanar, bukod sa 1,800 information officers, armado na rin ng modern technology ang Presidential Communications Operation Office tulad ng mga napagandang pasilidad ng government tv at radio stations at online sa pamamagitan ng Philippine News Agency at Philippine Information Agency.
Magiging katuwang na rin ng PCOO ang Department of Interior and Local Government sa pagpapakalat ng mga tamang impormasyon bilang resulta ng kanilang pag-uusap ni Undersecretary Martin Diño na nangakong dadalhin ito sa lahat ng barangay sa buong bansa.
Base sa usapan, maglalagay ng isang information officers sa 42,000 barangay sa buong bansa na magiging bagong mga katuwang ng PCOO sa paglaban sa fake news dahil mga totoong impormasyon ang ipaparating sa kanilang mga nasasakupan.
Tiniyak din ni Andanar na ibibigay nila ang lahat ng kailangang training sa mga information officers na matagal na napabayaan at hindi naiparamdam ang kanilang importansya.