MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng kampo ni Pastor Apollo Quiboloy na nakulong ang Kingdom of Jesus Christ the Name Above Every Name leader sa Hawaii matapos mahulihan ng malaking halaga ng pera at iba’t ibang gun parts.
Sinabi ng abogadong si Israelito Torreon na hindi nakulong, hindi nakasuhan at hindi na-deport si Quiboloy taliwas sa mga lumabas na balita kahapon.
Aniya “misleading” ang mga ulat tungkol sa tinaguriang “Appointed Son of God.”
Iniulat ng Hawaii News Now kahapon na umabot sa $350,000 halaga ng cash at gun parts ang nakita sa private jet ni Quiboloy.
BASAHIN: Pastor Quiboloy nakakulong sa Hawaii
“The fact is that he did not commit any crime because had he committed a crime, he would have been booked, he would have been processed, he would have been charged,” paliwanag ni Torreon sa CNN Philippines.
Dumating aniya sa bansa si Quiboloy ganap na 6:35 kagabi.
“There is no way it can be legally probable for him to arrive right away if he was charged, if he was detained or a deportation proceeding was made against him,” patuloy ng abogado na siya ring tagapagsalita.
Isang Felina Salinas ng Makakilo, Hawaii ang umangkin sa suitcase na naglalaman ng pera. Isa rin umanong miyembro ng simbahan ni Quiboloy si Salinas na nakalaya lamang matapos magpiyansa ng $25,000.