Marami pang tourist destination ipapasara

Ang babala ay ginawa ni Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo, kasabay nang pagpapahayag nito ng buong suporta sa direktiba ni Pangulong Duterte na bigyan na lamang ng anim na buwang deadline ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Interior and Local Government (DILG) para ayusin ang problema sa Boracay Island, na isa sa mga dinarayong tourist spot sa bansa dahil sa pu­ting buhangin doon. 
Miguel de Guzman

MANILA, Philippines — Marami pang tourist destination sa bansa ang ipapasara tulad ng sa Boracay sa Aklan kapag ang mga local government officials, operators at business establishments ay hindi mapangalagaan ang mga tourist attractions sa kanilang nasasakupan at lumabag ito sa mga environmental laws.

Ang babala ay ginawa ni Tourism Secretary Wanda Tulfo Teo, kasabay nang pagpapahayag nito ng buong suporta sa direktiba ni Pangulong Duterte na bigyan na lamang ng anim na buwang deadline ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Interior and Local Government (DILG) para ayusin ang problema sa Boracay Island, na isa sa mga dinarayong tourist spot sa bansa dahil sa pu­ting buhangin doon.

Ang problema ng Boracay ay nakatawag ng aten­siyon ng Pangulo, nang iprisinta ito ni Teo sa idinaos na Cabinet meeting noong nakaraang linggo.

Ayon kay Teo, bukod sa Boracay, natuklasan rin nila na maging sa Siargao Island sa Surigao ay hindi rin tama ang pagtatapon ng basura ng mga residente, at ang mga mangingisda naman ay nagtatapon ng kanilang sobrang kerosene o diesel sa dagat, na malapit sa mga beach sa Coron, Palawan.

Dagdag pa niya, dapat na itong magsilbing wake up call sa local government officials, business establishments at tourist operators sa mga isla ng Siargao at Coron, at nanindigang malaki ang malasakit ng administrasyon sa pa­ngangalaga ng kalikasan, bilang bahagi ng pagsusulong nila na maging world class tourism destinations ang Pilipinas.

Inatasan na rin naman ni Teo ang Tourism Infrastructure and Enterprise Authority (TIEZA), na kanilang infrastructure arm, na tiyakin ang mabilis na pagtatapos ng P716 milyong drainage project upang masolusyunan na ang problema ng Boracay sa pagbaha.

Show comments