MANILA, Philippines — Ayaw magkomento ng Malacañang sa naging pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na hindi makakatanggap ng budget ang mga probinsiya na hindi susuporta sa federalism.
Ayon kay Communications Secretary Martin Andanar, hindi sakop ng Malacañang kung ano man ang binabalak na gawin ni Alvarez sa pagsusulong nito sa federalism.
Ipinunto pa ni Andanar na magkahiwalay ang Ehekutibo sa Kongreso.
Matatandaan na sinabi ni Alvarez na irerespeto niya ang mga mambabatas na hindi susuporta sa pag-amiyenda sa 1987 Constitution na magiging daan para sa isang federal government pero dapat ding irespeto ng mga ito kung hindi sila makakakuha ng pondo.
Ginawa ni Alvarez ang pahayag sa oath-taking ng mga pulitiko sa Iloilo na umalis sa Liberal Party at sumali sa PDP-Laban.
Pinalagan naman kahapon ng isang palabang mambabatas ang bantang ‘zero budget’ ni House of Representatives Speaker Pantaleon Alvarez laban sa mga Kongresista na hindi susuporta sa isinusulong na federalismo bilang pagbabago sa pamamaraan ng pamamalakad sa gobyerno.
Sinabi ni Magdalo Partylist Rep. Gary Alejano na isa itong malinaw na pangba-blackmail sa mga kasapi ng Kamara de Representantes.
Nitong Huwebes sa kaniyang talumpati sa Iloilo, ay nagbanta si Alvarez na karapatan niyang huwag bigyan ng pondo ang mga probinsya ng mga Kongresista na kumokontra sa federalism lalo na ang mga Local Government Units na hindi sasapi sa Partido ng Demokratikong Pilipino-Laban ) na siyang partido pulitikal ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Alejano, nakakalungkot ang bantang ito ni Alvarez para sa mga Kongresistang hindi papabor sa pederalismo bilang paraan ng pagbabago ng pamamalakad sa gobyerno ng pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inihayag ng solon na tila nakakalimot si Alvarez sa tungkulin dahil ipinalalagay nito na personal niyang pera ang pondo ng pamahalaan at lantaran nitong ginagamit ang salapi ng gobyerno upang ma-hostage ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Idiniin ng Kongresista na mawawalan ng saysay ang 1987 Constitution kung mapipilitan o maiipit lamang ang mga kasamahan niyang mambabatas na sumuporta sa federalism sa takot na mawalan ng pondo para sa mga proyekto ng kanilang mga probinsya.
Aniya, wala nang saysay ang mga nakapalaman sa Saligang Batas kung mapipilitan lang naman ang mga kongresistang sumuporta sa federalismo dahil sa takot na mawalan ng budget.