MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ni Senator Juan Miguel Zubiri na aarangkada ang pagdinig ng Senado sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL) at gagawin ang lahat upang maipasa ito ng Senado sa Marso.
Sinabi ni Zubiri na hiniling na rin niya kay Pangulong Duterte na sertipikahang “urgent” ang panukala upang mas mapabilis ang pagpasa nito.
Nakatakdang magsagawa ng marathon hearings ang sub-committee on BBL na pinamumunuan ni Zubiri sa Cotabato City sa Enero 25 at sa Marawi City sa Enero 26.
Kinumpirma rin ni Zubiri na tinawagan siya ni Pangulong Duterte noong Lunes at pinalitan na niya ang kanyang naunang panukala ng inaprubahang bersiyon ng Bangsamoro Transition Commission (BCT).
Sinabi pa ni Zubiri na nagdadalawang isip umano ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na makisali sa talakayan dahil hindi ang bersiyon ng BCT ang nakahain sa Senado kaya pinalitan niya ang panukala.