MANILA, Philippines — Itinalaga ni Pangulong Duterte bilang bagong chairman ng Commission on Elections si Comelec Commissioner Sheriff Abas kapalit ng nagbitiw na si Andres Bautista.
Nilagdaan ni Pangulong Duterte ang appointment ni Comm. Abas bilang bagong Comelec chief nitong November 22. May termino si Abas hanggang February 2, 2022 bilang Comelec chairman upang ituloy ang unexpired term ng nagbitiw na si Bautista.
Ayon naman kay Comelec spokesman Director James Jimenez, hindi agad makakaupo bilang pinuno ng Comelec si Abas dahil kailangan pa nitong dumaan sa kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA).
Ang pagkakapili kay Abas ay hindi umano maituturing na ad interim appointment dahil ito ay ginawa habang nasa sesyon pa ang Kongreso.
Paliwanag ni Jimenez, hanggang hindi naaaprubahan ng CA ang nominasyon ni Abas, si Commissioner Christian Robert Lim ang mananatili pa ring acting Chairman ng Comelec.
Samantala, itinalaga rin ni Pangulong Duterte si Roberto Bernardo bilang undersecretary sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at former Solicitor-General Agnes Devanadera bilang bagong chairperson ng Energy Regulatory Commission (ERC) kapalit ng sinibak na si Jose Vicente Salazar.