MANILA, Philippines — Pabor ang 14 na senador na magtayo ng sariling gusali ng Senado sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig.
Tanging sina Senators Bam Aquino at Risa Hontiveros ang tumutol dahil mas pabor sila na itayo ang bagong gusali sa Antipolo City.
Bago magbotohan iniulat ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate committee on accounts, ang ginawang pag-aaral sa posibilidad na relokasyon ng Senado kung saan pinagpilian ang Antipolo City at Taguig.
Lumabas din sa survey na isinagawa ng komite na nasa 67 porsiyento ng mga empleyado ng Senado ay pabor na itayo ang sariling gusali sa Fort Bonifacio, Taguig.
Ipinunto ni Lacson na simula noong 1996, umuupa ang Senado sa gusali ng Government Service Insurance System (GSIS) at paggamit ng parking lot na umaabot na sa P2.24 bilyon na sapat na umano para sa pagtatayo ng isang “iconic” at permanenteng Senate building.
Ayon pa kay Lacson, nasaksihan at nakita na ng mga senador ang mga historic at nakakamanghang Parliament buildings ng ibang bansa na hindi katulad ng inuupahang gusali ngayon ng Senado.
Maging ang Supreme Court umano ay magkakaroon na rin ng sariling solar-powered at earthquake proof na gusali sa 2019 sa Bonifacio Global City.
17 taon nang pinagpa-planuhan ang pagtatayo ng sariling gusali ng Senado at panahon na anya upang ito ay maisakatuparan.