ASEAN Summit arangkada na

Sina South Korean President Moon Jae-in at asawa, at Japanese Prime Minister Shinzo Abe. Rudy Santos

MANILA, Philippines — Dumating na kahapon si United States President Donald Trump at iba pang world leaders upang du­malo sa 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN ) Summit and Related Summits na pormal na idadaos ngayong araw sa Pilipinas.

Sinabi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na lumapag ng alas-5:45  ng hapon ang Air Force One na kinalululanan ni Trump sa Villamor Air Base sa Pasay City mula sa Hanoi, Vietnam matapos siyang dumalo sa Asia Pacific Economic Cooperation Summit.

Si Executive Secretary Salvador Medialdea ang naatasang sumalubong kay Trump.

Agad namang nagpost sa kanyang Twitter account na nagsasabing dumating na siya sa Pilipinas.

“Just landed in the Philippines after a great day of meetings and events in Hanoi, Vietnam!” ayon sa post ni Trump.

Ang pagdating ni Trump sa Pilipinas ay pinakahuli nitong destinasyon sa kanyang Asian tour para sa pakikipagpulong sa mga counterpart nito sa Asia Pacific.

Bago dumating si Trump sa bansa, sanda­ling nakita at nakausap nito si Pangulong Duterte na dumalo rin sa katatapos na APEC meeting sa Da Nang, Vietnam.

Kabilang sa mga pulong na dadaluhan ni Trump at iba pang world leaders ay ang 5th ASEAN-US Summit ngayong ala-1:15 ng hapon at sa Martes ay ang ika-12 East Asia Summit.

Bukod kay Trump, nauna nang nagsidatingan ang 16 head of states at ASEAN partners para sa world summit sa Clark International Airport sa Pampanga kahapon ng umaga.

Dakong alas-10:27 ng umaga nang dumating si Laos Prime Minister Thongloun Sisoulith lulan ng Lao Airline, na sinundan nina Indonesian President Joko Widodo, Malaysian Prime Minister Najib Razak, Singapore Prime Minister Lee Hsien Loong, New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern, Canadian Prime Minister Justin Trudeau na nakipagkamay at pinagkaguluhan ng mga bata, at Thailand Prime Minister Prayut Chan-o-cha.

Dumating din sa Ninoy Aquino International Airport ng alas-2 ng hapon si Japanese Prime Minister Shinzo Abe.

Alas-3 ng hapon nang dumating naman si South Korean Pres. Moon Jae-in na sinundan nina Australian Prime Minister Malcolm Turnbull, Russian Prime Minister Dmitry Medvedev, Vietnam Prime Minister Nguyen Xuan Phue, Chinese Premier Li Kequiang na kinatawan ni Chinese President Xi Jin Ping, Indian Prime Minister Narendra Modina, Sultan Hassanal Bolkiah ng Brunei at Timor Leste.

Show comments