Mamondiong nagbabala sa TVIs na nakikipagsabwatan sa sindikato

MANILA, Philippines — Nagbabala si Technical Education and Skills Deve­lopment Authority (TESDA) Director General, Secretary Guiling “Gene” Mamondiong sa mga Technical Vocational Institutions (TVIs) na nakikipagsabwatan sa sindikato na nanghihingi ng porsyento kapalit ng pagkakaroon ng “slot” para sa “scholarship program” ng ahensiya.

Ayon kay Mamondiong, posibleng masangkot sa anumang isasampang kaso na naayon sa batas ang TVIs na mahuhuling nakikipagsabwatan sa sindikato o kahit na sinong indibiduwal na gustong dungisan ang scholarship program ng TESDA.

Aniya, nararapat lamang na matapos na ang dating kalakaran ng mga TVIs kung saan nagbibigay ang mga ito ng 30% na tinatawag na SOP (standard operating procedure) sa mga tinaguriang sindikato o “operator” sa tuwing mabibigyan sila ng scholarship slots mula sa TESDA.

Sinabi pa ng kalihim na may nakapagsumbong sa kanyang tanggapan na may nagaganap pa ring maling kalakaran sa pagbibigay ng scholarship slots sa mga TVIs kaya’t gumawa siya ng paraan upang matuldukan na ang ganitong sistema.

Upang mawakasan na ang ganitong kalakaran, pinalakas ni Mamondiong ang “technical audit teams” na siyang nagsasagawa ng inspeksiyon sa mga equipment at facilities ng mga TVIs habang pinalakas din ang proyektong Barangay Kasanayan para sa Kabuhayan at Kapayapaan (BKKK) na sumusuyod sa bawat barangay sa buong bansa upang kumuha ng gagawing iskolar.

Aktibo na rin ang “ins­pectorate teams” na siyang umiikot sa mga TVIs sa buong bansa bukod pa sa pagkakaroon ng “Tendering System” kung saan ay nagsusumite ang mga training institutions ng “bids” para makakuha ng scholarship slots sa TESDA ngunit kinakailangang nakapasa ang mga ito sa technical audit ng ahensiya.

Nagbigay din ng babala si Mamondiong sa mga indibiduwal o grupo na gumagamit sa TESDA para sa kanilang pangsariling interes na tiyak na pana­nagutin sa batas sakaling mapatunayang gumagawa ang mga ito ng kalokohan sa ahensiya

Show comments